
RSPC Vest Logo
Pagkatapos ng matagal na pag-asam, sa wakas, ay akin ring nakamit ang pinakahihintay na tagumpay.
Mula grade 6 hanggang sa ikatlong taon ko sa hayskul ay sinikap ko ng manalo sa patimpalak na tinatawag na Press Conference o “PRESSCON”. Ngunit, sa bawat pagkakataon na sinusubukan kong makamit ang tagumpay, ay siya namang pagkatalo ang sa’kin ay binibigay.
Ngunit, sa taong ito ay nagbago ang lahat. Ang lahat ng pagkabigo na aking naranasan sa pagsali sa patimpalak ng presscon ay napalitan ng galak. Ikasampung puwesto lamang ang napanalunan ko sa Cluster Level noong nakaraang taon sa dalawang kategorya na aking nilahukan (Sports Writing at Photojournalism sa Ingles), ngunit ngayong taon ay nakuha ko at kampeonato sa Sports Writing at Ikaapat na puwesto sa Photojourn. Tunay na nagbabago ang panahon. Marahil noong mga panahon na ako’y natatalo ay nasa ilalim ako ng gulong ng buhay pampaligsahan, ngunit ngayon, ay sa itaas naman.
Matapos manalo sa Cluster Level, ay ipinokus ko ang aking sarili sa pagsasanay para sa susunod na lebel ng kompetisyon ng presscon, ang Division Level na kung saan ang aking makakatunggali ay ang lahat ng mga pinakamahuhusay na manunulat ng Probinsya ng Tarlac sa iba’t ibang kategorya. At hindi naman ako nabigo.
Sumapit ang araw ng kompetisyon. Tila nanliit ako nang aking maaninag ang mukha ng aking mga kalaban, tila sila’y mga propesyonal na sa kategorya na lalabanan nila. Pero hinayaan ko lang ang panliliit na iyon na aking nararamdaman at ibinuhos ko lahat ng aking kakayahan pagkating ng oras ng aking kategorya na lalahukan, ang Sports Writing. Sa sobrang kaba, inabot pa ako ng alas-siete ng gabi sa pagsulat ng artikulo na aking ilalaban. Ako na lamang ang hinihintay ng room facilitator.
Dumating ang araw ng pagkilala sa lahat ng mga nanalo sa iba’t ibang kategorya. At noong mga oras na iyon ay hindi ko lubos mawari kung ano ang aking mararamdaman sapagkat sinasabi ng aking mga kasama, maging ng aking mga tagapagsanay na ako ang inaasahan nilang manalo. Inisip ko na paano na lamang kung matalo ako, ano na lamang ang sasabihin nila.
Nang sinabi na ng emcee ang kategorya ko, hindi ko na alam ang gagawin. Hindi ko narinig ang pangalan kong tinatawag sa mga nanalo sa ikalima hanggang ikatlong puwesto, tila ba’y nawalan na ako ng pag-asa na manalo. Ngunit ng sinabi na ang katagang “The second place winner is..” ng emcee, biglang hinawakan ng aking tagapagsanay ang aking braso at hinila pasulong, at akin nalang narinig na “is Stephen Paraan from Capas High School..”
Hindi ko alam kung anong mararamdaman sapagkat sa kulang-kulang apat na taon na aking inasam na manalo sa Division Level at makapasok sa Regional.
“It feels so heavenly” ika nga na masabi na isa ka sa pinakamagagaling na pinarangalan. Naranasan ko rin ang manalo at mananatili ang gulong ko sa ibabaw. Mula noon ang nagsanay ako ng mahusay para sa Regional Level ng presscon.

Kasama ang aking tagapagsanay, si Gng. Alema Bagain
Hindi ko namalayan ang pagtakbo ng oras, araw na nga ng Regional PressCon. Isang malaking bag at dalawang sleeping bags na gagamitin sa pag-stay namin ng limang araw sa lugar ng kompetisyon ang aking bitbit papunta sa Division Office na nagsilbing tagpuan namin bago pumunta sa paggaganapan ng PressCon, sa Gapan City.
Kulang sa dalawang oras ang aming biyahe at pagdating namin ng bandang alas-onse y media ng umaga ay agad-agad kaming naghanap ng kwarto na aming tutulugan sa loob ng limang araw. Pagkatapos noon ay nagparehistro na kami.
Pagkatapos nagparehistro, sinabihan kami na kumain na at kami ay magpaparada pa sa bayan sa ganap ng ala-una y media. Dali-dali kaming kumain at naghanda na para sa parada.
Tila ba’y nawalan ako ng gana pagdaing sa parada sapagkat puro lakad lang ang ginawa namin. Mahigit 30 minuto kaming naglalakad. Pero biglang naibalik ang aking pagkasabik ng matapos ang parada at tinupon kami sa isang bulwagan kasama ang lahat ng deligasyon mula sa labing-pitong dibisyon ng Gitnang Luzon para sa Opening Program.

Si Gibo Teodoro sa kaniyang pahayag sa Opening Program ng RSPC
Lalo pa akong nasabik ng dumating si Gilbert Teodoro, ang dating National Defense Secretary. Nagsalita siya sumandali at pagkatapos noon ay sumunod ang SANGKATERBANG presentasyon. Bigla kong naramdaman ang pagkaiirita at pagkabagot sapagkat sobrang haba ng programa na kanilang inihanda na nagtagal ng magmula alas-kuwatro ng hapon hanggang alas- siete y media ng gabi, at sobrang pagod at gutom na ang nararamdaman ko sa mga oras na iyon. Kaya lubos pasasalamat ko na lamang ng matapos iyon. Pagdating sa paaralan na aming tinutuluyan ay agaran akong kumuha ng pagkain at pagkatapos ay natulog. Bago iyon ay sinabihan muna kami na manatili sa labas sapagkat may isinaayos na “Welcome Night” ang pamunuan ng paaralang iyon ngunit hindi ko nalang sila pinansin at tumuloy na sa pagtulog.
Ikalawang araw ng presscon, pahinga muna ako. Ngunit pinilit ako na pumunta sa contest venue para suportahan ang isa kong kasama sa lalabanan niyang kategorya. Ayaw ko talagang sumama sapagkat sa ikatlong araw pa ang Sports Writing Contest pero sumama nalang ako bilang pagpapakita ng pakisama. Habang lumalaban ang aking kasama ay inaya ko ang aking tagapagsanay na pumunta sa mall na kaharapan lamang ng contest venue. Naglibang ako sumandali doon, pampalibas oras lamang kumbaga. Pagkatapos noon ay umuwi na rin ako agad at hinintay na dumating ang kinabukasan.
Dumating ang ikatlong araw, ang araw ng aking kategoryang lalabanan. Nakipag-unahan na ako sa maliit na paliguan na aming ginagamit sapagkat kailangan na maaga akong dumating sa contest venue. Pagdating sa contest venue ay tiningnan ko ang program at nakita na alas-nueve pa ng umaga ang simula ng aking kategorya Kaya’y inaya ko ang aking tagapagsanay na mamili muna ng mga souvenirs na t-shirt at iba pa. Hindi ko namalayan ang oras at ako na lamang pala ang hinihintay at hinahanap sa lahat ng kalahok. Nag-mala-San Chai ako ng Meteor Garden na humahabol kay Hua Ze Lei sa bus na kaniyang sinasakyan. Nahabol ko naman ang bus at kami ay pumunta na sa lugar na pagpapanuoran namin ng Sports Event.
Pagdating doon, hindi ko alam ang aking mararamdaman. Matitindi ang aking kalaban. Hindi tumigil sa pagtibok ng mabilis ang aking puso dulot ng kaba. Badminton ang pinapanood sa amin. Hindi ko napaghandaan ang event na iyon, hindi ko kasi inisip na iyon pala ang ipapanood sa amin kaya “bahala na” ang nasabi ko sa aking sarili.
Bumalik kami agad sa contest venue pagkatapos panoorin ang game. Mahigit dalawampung minuto akong nakatunganga at wala pang nasusulat kundi ang aking headline pa lamang. Nasisiraan ako ng loob sapagkat alam ko na marahil doon na matatapos ang lahat, matatalo na ako. “Last 15 minutes” ang biglang sabi ng room facilitator at dali-dali akong sumulat ng hindi na iniisip ang aking sinusulat dahil natatakot akong maabutan ng oras, pagkatapos ay ipinasa ko na at biglang sabing “Bahala na”.. Nahirapan kasi talaga ako.
Agad akong humingi ng tawad sa aking coach sapagkat hindi ko sigurado kung mananalo ako o hindi. Positibo naman ang kaniyang tugon ng sinabi niyang: “Ok lang ‘un! Nakarating ka na rin naman ng Regional.” Tapos ay nag-text ako kay papa at sinabing nahirapan ako anupat sumakit ang aking ulo sa paglikha at aking piyesang ilalaban. Natuwa naman ako sa reply niya na sinasabing: “Ok lang kahit di ka manalo. Nakarating ka na sa Regional and that’s already an achievement.”

Kasama sina Chelsi at Roxanne sa huling araw ng RSPC
Kinagabihan ay may nakilala kaming mga bagong kaibigan sina Chelsi at Roxanne, isa iyon sa mga naging “highlight” ng RSPC sakin sapagkat pagkatapos magkakilala ay nagkakwentuhan kami ng matagal at di namamalayan ang oras, alas-tres ng umaga na kami natulog noon sa sobrang enjoy sa pagkukwentuhan..
Kinabukasan ay dumating na ang oras ng pagkilala sa mga nanalo. Tuwang-tuwa ako na makita na may mga nanalo mula sa aking dibisyon, ngunit pagdating sa aking kategorya, bigla akong nanahimik. Sinabi ang mga nagsipagwagi mula sa ikasampung puwesto pababa sa ikalawang puwesto ngunit hindi ko man lang narinig ang aking pangalan. Pagkatapos sabihin ang nagwagi sa ikalawang puwesto, sinabi ng isa sa aking mga tagapagsanay na “maghanda ka na..”, hindi ako umimik at hinintay na lamang na sabihin at nanalo sa unang puwesto. “And the first place winner came from the Division of…” ang sabi ng emcee, nagpa-sorry ako ulit sa aking tagapagsanay at bigla akong tumalikod at lumakad paalis sapagkat alam ko na hindi ako iyon, “San Fernando City..” ang itinuloy ng emcee.
Isa iyon sa pinakamasakit na nangyari sa’kin. Ang pagkatalo. Sapagkat ako lang ang inaasahan ng aking mga kasama sa paaralan. Pero aking napagbatid na ang pagkatalo ay isang hakbang sa pagtahak sa tagumpay. May iba pang magagandang bagay na naghihintay sa akin sa hinaharap at nasasabik na lamang ako na dumating ito, mga mas mahuhusay at magagandang oportunidad na naghihintay sa akin.
(To be edited.. This is a rush draft..)
February 12, 2010
Categories: Uncategorized . . Author: ischoolssparaan . Comments: 5 Comments